TINGNAN: Mensahe ng mga mag-aaral ng UST sa Aegis Jvris

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 11:44 AM

Tinadtad ng mga mag-aaral ng University of Santo Tomas (UST) ng sari-saring mensahe ang bulletin board ng Aegis Jvris Fraternity na iniuugnay sa pagkamatay ng law student na si Horacio Castillo III.

Mga myembro ng Aegis Jvris ang sinasabing nakapatay kay Castillo, matapos magpaalam ng estudyante na dadalo sa welcoming rites ng fraternity noong Sabado--ang araw na huli siyang nakita ng kanyang mga magulang.

Naunang kunan ng The Varsitarian, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng UST, ang mga sticky notes na nakapaskil sa bulletin board.

Nakasulat sa sticky notes ang iba't ibang mensahe ng mga mag-aaral sa fraternity, tulad ng paghiling ng katarungan at pagsuko ng mga umano'y may sala sa pagkamatay ni Castillo.

May ilan ding nagpaabot ng mura at panghihiya sa fraternity.

Sa kasalukuyan, suspendido na ng unibersidad ang mga opisyal at estudyante na konektado sa Aegis Jvris Fraternity. 

Nagsasagawa na rin ang UST ng sariling imbestigasyon sa malagim na pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.