TINGNAN: Lalaking nagwala sa MPD, tiklo sa SWAT

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 11:14 PM

Inaresto ng mga tauhan ng Special Weapons And Tactics ang isang lalaking nag-amok sa Manila Police District, Miyerkoles.

Arestado ang isang lalaking nag-amok at nanagasa ng mga pulis at miyembro ng media sa loob ng Manila Police District Headquarters (MPD), Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Arvin Tan, na nagpakilalang empleyado umano ng gobyerno.

Ayon kay MPD spokesperson Erwin Margarejo, nagpakita ng ID si Tan at sinabing miyembro umano siya ng Department of Interior and Local Government (DILG) at may sticker pa ng Presidential Security Group.

Nilinaw ni MPD director Chief Supt. Joel Coronel na walang kinalaman sa kaso ni Horatio "Atio" Castillo III ang pagwawala ni Tan.

Ayon naman kay Chief Insp. Joey De Ocampo ng MPD-General Assignment and Investigation Section, may iniinom daw na gamot si Tan. 

Ayon sa kanyang pamilya, itinigil na nito ang gamot ilang araw na ang nakararaan.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek pero tila wala siya sa sarili nang isasailalim na sa booking process.

Ayon sa pulisya, narekober din ang drug paraphernalia sa bahay ni Tan.

Hinimok din ng MPD ang mga miyembro ng media at iba pang nadamay sa pag-aamok ng lalaki na magsampa ng kaso.

Kasalukuyang nakakulong si Tan sa MPD at nahaharap sa mga kasong malicious mischief, direct assault, resistance and disobedience to lawful authority, grave threat, alarm and scandal, unjust vexation at reckless imprudence resulting in damage to property.--Ulat nina Bettina Magsaysay at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.