'Kulturang kuyog' laban sa tiwaling pulis, dapat pairalin: 'Bato'

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 12:26 PM

Nais ni Philippine National Police chief Director General Ronald Dela Rosa na pairalin ang kultura ng kuyog upang mabawasan ang naglipanang “virus” o mga pasaway na pulis sa kanilang hanay.

“We are trying to develop a culture, yung kuyog culture. Kung sino yung gumagawa ng masama kuyugin ng matitino at mababait na pulis para hindi magkalat yung virus,” sabi ni Dela Rosa.

Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag matapos na pangunahan ang promosyon ng mahigit sa 1,300 na pulis sa Camp Crame, Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay dela Rosa, panahon na para makialam ang mga matitinong pullis at kuyugin ang mga tiwaling pulis na sumisira sa imahe ng PNP.

Banggit pa niya, maituturing virus ang mga tiwaling pulis na dapat nang wakasan sa tulong ng kulturang kuyog.

“May ibang kultura na walang pakialam kahit alam na nila, walang pakialam. And worst, yung iba, pinagtatakpan pa yung ginagawang kasamaan ng kanilang mga kasama,” sabi ni Dela Rosa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.