Ilang Pag-IBIG loan application, apektado ng systems upgrade ng ahensiya

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 10:21 PM

Kailangang magbaon ng kaunting pasensiya ng ilang kumukuha ng loan sa Pag-IBIG Fund.

Nagkakaroon kasi ngayon ng delay sa pagproseso ng ilang loan application dahil sa pag-upgrade ng sistema ng mga computer ng ahensiya.

Noong Setyembre 4, nagsimula ang system upgrade sa mga sangay nito sa Cubao, Caloocan, Kamias, Quezon Avenue, Commonwealth, Valenzuela, Marikina, Ortigas, Antipolo, at Mandaluyong.

Simula Setyembre 25 naman, sasailalim din sa upgrade ang mga sangay ng Pag-IBIG sa Buendia I, Buendia II, Ayala, Poblacion, Guadalupe, Muntinlupa, Manila, Binondo, Pasay, Sta. Mesa, at SM Aura-Taguig.

Tatagal ang upgrade ng mahigit dalawang linggo.

Apektado sa system upgrade ang calamity loan, multipurpose loan at retirement o maturity claims. 

Hindi naman maaapektuhan ang pagproseso ng housing loan.

Pangako ng Pag-IBIG, oras na matapos ang system upgrade, bibilis at maaari nang maproseso ang mga utang sa kahit aling sangay ng ahensiya.

Sa ngayon kasi, kahit tinatanggap ang loan application sa kahit saang branch, mapoproseso pa rin ito sa sangay kung saan nagrehistro ang Pag-IBIG member.

Natapos na ang Pag-IBIG system upgrade sa mga probinsiya sa Luzon, Visayas, at ilang lugar sa Mindanao.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.