Andanar: Alam ni Mocha na entertainer siya, di journalist

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 01:26 AM

Pinayagan si Communications Assistant Secretary Mocha Uson na magtungo sa Amerika upang dumalo sa ika-72 United Nations General Assembly sa New York City.

Ito'y kahit hindi pa nareresolba ang isyu sa pagsayaw niya sa isang casino kamakailan.

Ayon sa boss ni Uson na si Communications Secretary Martin Andanar, legal ang pagbiyahe ni Uson na binigyan niya ng pahintulot para makasama kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pagtitipon.

Nilinaw din ni Andanar na hindi suspendido si Uson at na-endorso na rin ang imbestigasyon ng kaso niya sa Malacañang Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs - Discipline Office. 

Una nang sinabi ni Andanar na dapat sundin ang direktiba ng Malacañang na nagbabawal sa mga public official
na magpunta sa mga casino.  

Pero pag-amin din ni Andanar, naiiba ang kaso ni Uson. 

"Very unique, because how many 'ASecs' do you have who have at least more than 5 million followers? Malaking tulong kay Presidente. Si Mocha naman, she admits that, alam naman niya na hindi naman siya journalist. Mocha is an entertainer."

Humarap si Andanar sa showbiz press upang i-anunsyo ang bagong news online program ng Malacañang.

Kasabay din nito ang pagsulong niya sa kampanya laban sa "fake news" kasama ang Association of Southeast Asian Nation partners.

Patuloy din ang reporma sa Philippine News Agency (PNA) na binatikos dahil sa ilang pagpalya nito sa pagbabalita.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.