5 patay sa salpukan ng truck, van sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 08:04 AM

MANILA - Patay ang 5 miyembro ng pamilya matapos bumangga ang sinasakyan nilang van sa isang truck sa Nasugbu, Batangas Martes ng hapon. 

Napag-alamang mabilis ang pagpapatakbo ng truck driver na si Gerardo Tiongson sa palusong at madulas na kalsada sa Barangay Aga. Dahil dito, nawalan si Tiongson ng kontrol sa truck hanggang sa sumalpok sa kasalubong at paakyat na van. 

Agad namatay ang mga sakay ng van at ilan sa kanila ay naipit sa loob ng sasakyan. Patuloy pa rin ang retrieval operation sa katawan ng isang biktima, Miyerkoles ng umaga. 

Sugatan naman si Tiongson at pahinante ng truck na si Ricardo Miranda. Nahaharap sila sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to properties. 

Papunta sana sa Calaca, Batangas ang truck habang pauwi sana sa Maynila ang pamilyang sakay ng van. Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.