2 timbog sa magkahiwalay na drug bust sa Davao

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 10:12 AM

Narekober ng awtoridad mula sa suspek na si Fedelito Laran ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,000

DAVAO CITY – Dalawang lalaki ang inaresto ng awtoridad sa magkahiwalay na drug buy-bust operation nitong Martes ng gabi sa Davao City.

Nahuli ng Sta. Ana Police si Fedelito Laran, 35 anyos, sa buy-bust operation sa loob ng isang inn sa R. Castillo Agdao, Davao City.

Narekober mula sa kanya ang mga sachet nang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,000.

Nakumpiska rin ang isang improvised tooter.

Ayon sa pulisya, dati na umanong nadakip si Laran sa kasong possession of illegal drugs pero nakapag-piyansa siya.

Depensa naman ng suspek, hindi kanya ang mga nakumpiskang iligal na droga.

Si Laran ang ika-11 na nadakip ng Sta. Ana Police sa buy-bust operation ngayong Setyembre.

Samantala, arestado din sa buy-bust operation ang 22-anyos na si Aouie Fernando sa Purok 4, Lubogan Toril, Davao City.

Dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa suspek na nagkakahalaga ng P2,000.

Kabilang naman si Fernando sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA XI.

Itinanggi naman niya na tulak siya ng iligal na droga.

Ang dalawang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.