Guro sa Pangasinan, patay sa pamamaril; 2 kapitbahay nadamay

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2016 01:22 PM

Pinag-babaril ng di pa nakikilalang suspek ang gurong si Rowena Tigno, 38, sa loob ng bahay nito. Sugatan din ang dalawang kapitbahay ni Tigno matapos barilin din ng suspek. Kuha ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

LINGAYEN, PANGASINAN - Patay ang gurong si Rowena Tigno, 38, matapos siyang pagbabarilin pasado alas-otso Lunes ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya ng Lingayen, nagbabasa ng libro sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Poblacion ang biktima nang biglang pumasok ang suspek at saka ito pinag-babaril. 

Agad tumakbo palayo ang suspek matapos ang pamamaril.

Nadamay naman ang dalawa nitong kapitbahay matapos barilin din ng suspek. 

Nakarinig daw ng putok ng baril ang mag-amang sina Mike Vergara, 57, at Michaela Vergara, 12, kaya sila ay lumabas ng kanilang bahay, pero nakita sila ng suspek at pinagbabaril din.

Tama sa tiyan ang tinamo ng ama habang nadaplisan naman ang anak. Itinakbo agad sa ospital ang mga biktima.

"May nakakita sa suspek, witness natin, kasi nagtanong daw itong suspek sa kapitbahay ng biktima kung saan iyong bahay niya," ayon kay Superintendent Jackson Seguin, Hepe ng Lingayen PNP.

Dagdag ni Seguin, wala raw kinalaman sa iligal na droga ang pamamaril at posibleng dahil sa utang ang motibo ng krimen. 

"Ayon sa kamag-anak baka sa pautang, kaya iniimbestigahan na rin natin at gumawa tayo ng special task force," aniya.

Tuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen upang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.