Bangkay natagpuan sa ilog sa Butuan

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2016 06:37 PM

Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki na nagpalutang-lutang sa ilog sa Butuan City Lunes ng umaga. Larawan mula sa Butuan City Police Station 1

BUTUAN CITY - Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki na nagpalutang-lutang sa ilog sa may Barangay Banza, Butuan City Lunes ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon, isang residente na nangangahoy malapit sa ilog ang unang nakakita sa bangkay. 

Hindi daw ito taga-Banza kaya't pinaniniwalaang ipinaanod lamang ang bangkay sa ilog.

Nahihirapan pa ang awtoridad sa pagkilala sa natagpuang bangkay dahil wala itong anumang pagkakakilanlan. 

Pinaniniwalaang biktima ito ng summary execution dahil sa mga tinamong saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan at ginilitan pa ang leeg.

Palaisipan pa rin sa Butuan police kung sino ang dapat managot sa pagpatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.