1 patay, 3 sugatan sa sunog sa Pasig

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2016 02:34 PM

MANILA - Patay ang isang lalaki matapos maipit sa sa kanyang nasusunog na bahay sa Pasig City madaling araw ng Martes.

Kasamang naabo ng biktima na si Anselmo Tamayo, 50 ang tinatayang P4.5-milyon na ari-arian matapos ang sunog sa kaniyang bahay sa Joshua street, barangay Sta. Lucia bandang 3:45 a.m.

Isinugod sa ospital ang asawa at dalawang anak na babae ng biktima matapos mahirapan huminga. Sugatan naman ang fire volunteer na si Ian Saber matapos mahulog sa ikalawang palapag ng nasusunog na bahay.

Pinaghihinalaang nagsimula ang sunog sa unang palapag ng bahay at mabilis itong kumalat. Naapula ang sunog bandang 7 a.m.