PatrolPH

Maraming lugar sa Davao City, ilang araw nang walang tubig

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2022 10:21 PM

DAVAO CITY — Tatlo hanggang apat na araw nang walang tubig ang ilang mga residente dito matapos masira ang ilang electrical lines ng Davao City Water District (DCWD).

May mga residenteng nakapag-imbak ng tubig bago tuluyang mawalan ang tubig sa gripo.

Pero dahil sa ilang araw na walang supply ng tubig, ayon sa residenteng si Grasya Araneta, madali rin itong naubos.

"Tinipid-tipid na lang namin yung tubig. Ang iba, bumili na lang ng mineral na nakalagay sa malaking container. Mga sampu yung nabili nila na ganun,” kwento ni Araneta.

Linggo ng gabi bumalik ang tubig sa kanila.

Pero may ilang lugar pa na malapit sa kanila ang wala pa ring tubig. Kaya, umaasa na lang ang mga apektadong residente sa rasyon ng firetruck.

Kwento naman ng isa pang residenteng si Inting Ceniza, pahirapan din ang pag-igib ng tubig mula sa firetruck. Dahil sa dami ng mga pumipila, nauubusan umano ang iba.

"Nagpuyat pa ang mga tao para abangan yung firetruck. Pero sa haba ng pila, naubusan din," ayon kay Ceniza.

Aminado ang DCWD na may mga lugar pa rin sa lungsod na walang supply ng tubig, lalo na ang mga nasa matataas na area. May ilan ding mahina ang pressure ng tubig.

“Yesterday, full blast na ang operation ng line 2 sa Dumoy system. If magpapatuloy ito with 6 booster pumps, ngayong araw o bukas, marami nang lugar ang mababalik ang water supply,” ayon sa Deputy spokesperson ng DCWD na si Jovana Duhaylungsod.

Tinutukoy pa nila ngayon kung ilang barangay ang apektado nito.

Iniimbestigahan nila ang dahilan kung bakit nasira ang electrical lines nila.

Sa Facebook post naman ni Mayor Sebabstian Duterte, ibinahagi nito ang screenshot ng naging usapan nila ng isang residente na nagreklamo sa kaniya dahil sa kawalan ng tubig.

Aniya, kinausap na niya ang DCWD.

Marami ang nadismaya sa sagot ng alkalde dahil anila, hindi nito kinausap nang maayos ang nagreklamong residente at pinili pang isa-publiko ang naging usapan nila.

Wala pang inilalabas na pahayag ang lokal na pamahalaan ng Davao City tungkol sa sitwasyon.

- ulat ni Chrislen Bulosan

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.