Kawalan ng water system sa Marawi, ikinadismaya ng ilang senador

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2022 06:38 PM

May dalang plastic container ng tubig ang ilang bata sa Sagonsongan Temporary Shelter para sa mga evacuee mula Marawi City, Mayo 21, 2018. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
May dalang plastic container ng tubig ang ilang bata sa Sagonsongan Temporary Shelter para sa mga evacuee mula Marawi City, Mayo 21, 2018. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Dismayado ang ilang senador sa kabiguan na makapagpatayo ng water supply system sa Marawi City nasa 5 taon matapos ang bakbakan sa naturang lugar.

Sa organizational meeting ng Senate Special Committee on Marawi City Rehabilitation and Victims Compensation, pinuna ng mga senador ang Local Water Utilities Administration (LWUA) kung bakit hanggang ngayon ay nasa design stage pa rin ang water supply system.

"Sana unahin nyo yung tubig, yung tubig nandoon lang ho sa Lake Lanao, nasa ilog lang, hindi ko maintidihan bakit," ani Sen. Robin Padilla. 

"Sana po maayos lang po ito kasi napakahalaga sa pananampalataya po namin na 5 beses kami naghuhugas para magdasal. Kapag kami tumabi sa asawa namin hindi kami puwede bumangon sa umaga na hindi kami naliigo," dagdag niya. 

Paliwanag naman ni LWUA Marawi focal person Rodney Peralta, tumagal ang proyekto dahil nagkaroon ng pagbabago sa plano.

Noong una aniya ay deep well ang planong pagkuhanan o source ng tubig.

Labing-isang deep well aniya ang kailangan at nagkaroon ng problema sa pagtatayuan ng mga ito, kabilang ang right of way.

Dahil dito, nagbago aniya ang plano at surface water na lang ang pagkukuhanan ng tubig, partikular sa Lake Lanao.

May isang isyu pa aniya silang kinakaharap dahil ang Philippine Army na nakakasakop sa pagtatayuan ng bulk water system ay nais na malibre sila sa pagbabayad ng tubig at 10 taon lang dapat ang itatagal sa lugar ng naturang sistema. 

"Gusto ipasama ng Philippine Army sa MOA ay libre sila sa tubig at mayroon term na 10 years lang. Ang water district ayaw sa libre at tenure na 10 years. Nasa negotiation pa rin kami sa Philippine Army at nakailang follow-up letter na kami... Ang consequence di ma-finalize ang design kasi ang location hindi pa ma-finalize," sabi ng opisyal.

Pinasinungalingan naman ni Marawi Ciy Mayor Majul Usman Gandamra ang dahilan ng LWUA.

Giit niya, ang talagang problema ay walang pipirma sa mga dokumento dahil wala pang administrator ang LWUA hanggang ngayon.

Sinang-ayunan ito ni Assistant Secretary Felix Castro Jr. ng Task Force Bangon Marawi at sinabi na naayos na ito sa Philippine Army at ang problema na lang ay signatory sa mga dokumento.

"Kung kulang ng isa, the board cannot function. Basically it boils down to the absence of a duly designated administrator," aniya.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC