MAYNILA - Dumadaing ang ilang tsuper sa kawalan ng kita sa ipinapatupad na distancing rules ng gobyerno sa mga pampublikong sasakyan.
Ang jeepney driver na si Carlito Ilagan, anim lang ang kayang isakay sa kaniyang jeep.
Malaking dagok umano ito sa kaniyang kita. Mula kasi sa dating P144 kita kada pasada, natapyasan na ito ng P54 simula noong payagan silang pumasada ng gobyerno.
" 'Yung kikitain namin sa 4 o 6 na pasahero lalabas lamang sa pang-diesel lang namin 'yun," ani Ilagan.
Sabado ng umaga nang ianunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagpasya na si Pangulong Rodrigo Duterte na gawing 1 metro ang distansiya sa mga pampublikong sasakyan.
Binabawi nito ang desisyon ng pandemic task force na gawing 0.75 metro ang pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan, patakarang tinutulan ng mga eksperto dahil sa pangambang sisirit muli ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Dumadaing din ang bus driver na si Jun Padilla sa naging pasya ng gobyerno, lalo't nahirapan siyang kumuha ng mga pasahero.
Pero giit ng Department of Transportation, pinal na ang desisyon ng pangulo na 1 meter physical distancing sa mga pampublikong sasakyan.
— Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, PUV Physical distancing, physical distancing PUVs, transportasyon, sasakyan, passengers, commuting COVID-19 Philippines