Home-based library ‘Pinkdemic Corner’ inilunsad ng guro sa Sorsogon

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2020 11:20 AM

Home-based library ‘Pinkdemic Corner’ inilunsad ng guro sa Sorsogon 1
Malaki ang naitutulong ng Pinkdemic Corner ni teacher Michelle Rubio para matuto pa rin ang mga mag-aaral sa panahon ng pandemya. Larawan mula kay Michelle Rubio

PRIETO DIAZ, Sorsogon - Patuloy ang misyon ng isang guro na makatulong sa pag-aaral ng mga estudyante sa kabila ng pandemya matapos na maglunsad ng proyektong “Pinkdemic Corner.”

Hindi alintana ni teacher Michelle Rubio ang ilang kilometrong layo ng bayan ng Prieto Diaz para maisakatuparan pa rin ang misyon para sa kaniyang mga estudyante sa Calao Elementary School.

“Dahil mayroon tayong pandemic, hindi makakalabas 'yung mga estudyante at wala pang pasok. Ito 'yung naisip kong alternative para makahiram sila ng reading materials,” sabi ni Rubio.

Noong Hunyo, inumpisahan niya ang proyektong tinawag na “Pinkdemic Corner,” kung saan may mga inilagay siyang libro at learning materials sa mga piling bahay ng barangay na puwedeng hiramin ng mga magulang ng mga mag-aaral.

Mahilig sa kulay kalimbahin o pink si Rubio kay tinatawag niyang “Pinkdemic Corner” ang proyekto. Ayon kay Rubio, kahit may pandemya, mayroon pa ring mababasa ang mga bata.

“Ito 'yung home-based library ko dati na ini-enhance ko lang, ginawa kong Pinkdemic Corner. Kung home-based 'yung bata ang pumupunta, this time sa Pinkdemic Corner mga magulang para humiram ng reading materials, laminated materials. 'Yun ginamit natin para madali ma-disinfect,” sabi niya.

Apat na ang nailagay na Pinkdemic Corner ni Rubio sa Barangay Calao at plano niyang dagdagan pa ang mga ito.

"Since matagal 'yung pasukan at least mayroong mababasa ang mga estudyante natin, at least kahit walang pasok, ma-develop reading skills hindi lang puro laro. 'Yung mga reading materials mayroon namang stakeholders na nag-donate, mayroon din po tayong contribution,” sabi ni Rubio.

Sa Oktubre 5 nakatakdang magbukas ang klase sa mga pampublikong paaralan, at blended learning ang gagamitin sa pagtuturo gamit ang internet, TV, radio at printed modules dahil bawal pa ang physical classes sa gitna ng patuloy na pandemya.

Samantala, bagama’t hindi pa pinapayagan ang face-to-face learning ngayong pasukan, inihanda pa rin ni Rubio ang kaniyang pink classhome na nasa dalawang taon niya na ring proyekto.

Pink classhome ang kaniyang itinawag dito dahil para na ring nasa classroom kahit nasa bahay kasama ang kaniyang mga estudyante.

Marami nang natulungang bata at mga magulang si Rubio sa iba niya pang mga proyektong pang-edukasyon.

Noong nakaraang taon, isa siya sa mga nabigyang pagkilala ng Malacañang bilang Dangal ng Bayan Awardee ng Civil Service Commission.