Van nahulog sa bahagi ng tulay sa CDO; 15 sugatan

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 12:16 AM

CAGAYAN DE ORO CITY - Sugatan ang 15 katao matapos mahulog ang isang van sa bahagi ng tulay sa Barangay Iponan, Cagayan de Oro City Miyerkoles ng gabi.

Mula El Salvador City sa Misamis Oriental ang van at papunta sana sa bayan ng Tagoloan.

Sa imbestigasyon ng Police Station 7, napunta sa kabilang lane ng highway ang van na minamaneho ni Rabie Elbambo.

"Nang napunta sa kabilang lane ang van, mayroon itong nakasalubong na motorsiklo. Iniwasan ito ng driver ng van kaya natapon siya sa center island at dumiretso sa gilid ng daan, sa approach ng Iponan bridge," sabi ni P/Sgt. Dennis Palangpangan, traffic investigator ng PS-7.

"Mabilis talaga ng takbo ng van. Halos hindi na tumama sa daan ang gulong nito nang natapon sa center island," dagdag ng nakakita sa insidente na si Sonny Achas.

Nabangga din ng van ang bakal na railings sa gilid ng daan.

Patuloy pa na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.

Nasa ligtas na kalagayan naman ang lahat ng pasahero at driver ng van na dinala sa hospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.