Sanggol nasawi matapos sapukin umano ng sariling ama

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 03:45 PM | Updated as of Sep 19 2019 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

STA. CRUZ, Laguna — Patay ang isang 2-linggong gulang na sanggol matapos sapukin umano ng kaniyang sariling ama dahil dudang hindi siya ang tunay na tatay nito.

Batay sa kuwento ng mga kaanak, pinapasuso ng inang si alyas "Beth" ang kaniyang bagong silang na anak nang bigla itong sapukin sa ulo ng kinakasama niyang si alyas "Paul."

Itiniwarik at tinakpan pa ni Paul ang bibig ng sanggol habang nagmamakaawa daw si Beth.

Dalawang araw ang lumipas at biglang kinumbulsiyon ang sanggol bago namatay.

Katuwiran naman ni Paul, lasing siya nang mangyari ang pananakit sa sanggol.

"Lasing po ako noon, hindi ko naman sinadya po," ayon sa suspek.

Sabi pa ni Paul, nagdududa siya na may ibang lalaki si Beth at hindi talaga siya ang ama ng sanggol.

"Umalis po siya nang isang buwan, noong bumalik po siya sa akin sabi niya buntis na."

Natuklasan naman ng pulisya na gumamit ng ilegal na droga ang suspek bago mangyari ang krimen.

"Sa pagtatanong namin sa asawa ay katatapos lang daw gumamit ng ipinagbabawal na droga 'yung suspek," ani Patrolman Julius delos Reyes, imbestigador sa Sta. Cruz police.

Kinasuhan na ng parricide at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act si Paul na nakakulong sa Sta. Cruz Municipal Police Station.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.