Dala ng takot: Ilang crime convicts balik-Bilibid bago ang deadline ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 07:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Bago bumalik ng New Bilibid Prison, kinausap ni "Benedict" ang kaniyang pamilya.

Nakulong si Benedict noong 1985 sa kasong robbery with homicide, at makalipas ng 32 taon, pinalaya siya dahil sa good conduct time allowance (GCTA).

Pumutok ang isyu nang maudlot ang dapat sana'y paglaya ni convicted rapist-killer Antonio Sanchez.

Dalawang taong nagtrabaho bilang construction worker si Benedict mula noong nakalaya; kaya nalungkot ang kaniyang kapatid na babalik na ito sa kulungan.

"Sang-ayon naman sa batas ang kaniyang paglaya,” aniya.

Si Benedict, walang magawa kung hindi sumunod. Nagbigay ng 15 araw si Pangulong Rodrigo Duterte para mapasuko ang mga heinous crimes convicts na pinalaya ng BuCor simula 2014 sa pamamagitan ng kontrobersiyal na good conduct time allowance (GCTA) law.

Pinagbigyan ang mga crime convict na sumuko hanggang hatinggabi ng Biyernes.

"Walang magawa. Nalungkot lang," ani Benedict.

Gaya ni "Benedict," nakulong sa kasong robbery with homicide si "Brandon" na taga-Occidental Mindoro.

Matapos ang 27 taong pagkakakulong, napalaya nitong Hunyo si Brandon sa tulong din ng GCTA. Pero balik-Bilibid siya dahil sa utos ng Pangulo.

Nadala umano si Brandon sa takot kaya siya sumuko.

Dahil takot ang kaniyang pamilya para sa kaniyang kaligtasan, sumuko din si alyas "Rogelio" na galing pang Batanes.

“Ilang araw na, 'di ako makatulog eh,” ani Brandon.

Mayroon namang hindi nahatulan gaya ni "Raymond" na pumuntang Bilibid para maniguro kung kasama siya sa mga pinasusuko.

Sa panayam sa ANC, sinabi ni Fr. Eli Lumbo ng Jesuit Prison Service Foundation na dala ng takot ang pagsuko ng mga pinawalan sa GCTA.

"The current situation now is a sense of fear given the President's directive that they should surrender before the 19th, which is today. Many, if not all including their loved ones, are afraid of what will happen to them if they do not surrender," aniya.

"They’d rather be on the safe side, surrender even though they’re not under the heinous crimes category, (even if) in their release paper it is not written there they availed of the GCTA."

Ituturing namang pugante ang sino mang hindi makasusuko pagsapit ng hatinggabi ng Huwebes. Magpapakalat naman ng tracker teams ang PNP para hanapin ang mga ito.

Nag-alok din si Duterte ng P1 milyong pabuya sa makakahuli sa mga pugante.

Sa huling tala ng Department of Justice alas-11:30 nang umaga ng Huwebes umabot na sa 1,304 heinous crime convict na napalaya sa ilalim ng GCTA ang sumuko.

Magbibigay din sila ng bagong listahan sa Department of the Interior and Local Government bilang gabay sa muling pag-aresto sa mga convict.

Nakasaad dito ang pangalan ng napalayang convict, ang kanilang krimen, address, at litrato para maiwasan ang mga kaso ng mistaken identity.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.