8 menor de edad, 2 iba pa na ibinubugaw sa Antipolo nasagip

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 05:30 PM | Updated as of Sep 19 2019 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sampung babae, kabilang ang 8 menor de edad, ang ni-rescue ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa pambubugaw sa isang resort sa Antipolo City noong Miyerkoles ng gabi.

Nag-iyakan pa ang mga kababaihan matapos lusubin ng NBI-Rizal ang resort pero kumalma rin matapos ipaliwanag ng social workers na sinasagip lamang sila.

Ayon sa mga biktima, mula sila Quezon City at sinama lang ng kanilang kaibigang si Camille Candelario para ibugaw.

Nasa edad 15 hanggang 17 ang mga biktima. Ang ilan sa kanila ay nakatira pa umano sa bahay ng bugaw at dinadala sa mga pribadong selebrasyon.

"Ang pangako sa kanila P1,500 ang ibibigay sa kanila, tapos P1,000 naman ang makukuha ng bugaw," sabi ni Atty. Migdoño Congzon, hepe ng NBI-Rizal.

Sabi ng suspek na si Candelaria, hindi totoo ang paratang at nagtungo lamang sila sa resort para mag-swimming.

"Swimming lang talaga. Hindi naman kami pupunta dito kung hindi sinabi na libre," depensa ng suspek, na 22 anyos lamang.

Ayon naman sa ama ni Candelario, wala siyang alam sa ginagawa ng anak.

"Hindi ako nagkulang, lagi ko siyang pinapangaralan pero hindi nakikinig," sabi ni Jess Candelario.

Kulong ang suspek sa kasong human trafficking.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.