SAPUL SA CCTV: Lolo patay nang magulungan ng SUV sa Pateros

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 07:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang 75 anyos na lalaki nang masagi at gulungan pa ng isang SUV sa Pateros. 

Durog ang dibdib ng biktimang si Raymundo Mira nang gulungan ng isang SUV ang kaniyang katawan habang patawid ito sa isang subdivision sa barangay Sto. Rosario. 

Sa CCTV na kuha noong Setyembre 3, makikitang tumatawid ang matanda sa gate ng subdivision. Pilit pa rin gumilid ang biktima para makadaan ang SUV pero nasagasaan pa rin ito. 

Itinakbo ng ilang saksi si Mira sa ospital pero doon na ito binawian ng buhay.

Kinilala naman ang suspek na si Nelson Mabini, na may binisita lamang umano sa subdivision. 

Kuwento ng kapatid ng biktima na si Rodrigo Mira, nahabol pa niya ang suspek na napadaan pa mismo sa bahay ng biktima. 

"Hinabol ko siya hanggang sa end ng street na 'to. Sabi ko baka puwede bumaba ka muna diyan at may nasagasaan ka, kapatid ko pa."

Nakalaya na ang suspek matapos niyang makapagpiyansa sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, pero balak ng pamilya na iakyat sa kasong murder ang reklamo. 

Mahaharap rin ang suspek sa reklamong illegal use of commemorative plate dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng plaka na may nakalagay na “Prosecutor.”

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.