Puganteng may 17 kaso ng rape, huli sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 05:57 AM | Updated as of Sep 19 2018 10:44 PM

MAYNILA -- Sa kulungan muli ang bagsak ng isang takas na preso na dawit sa 17 kaso ng rape at iba pang mga krimen.

Hinuli ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) noong umaga ng Martes ang 43 anyos na construction worker na si Albert Biol sa Barangay 183, Pasay City.

Tumakas si Biol sa Caloocan City Jail noong Pebrero.

May 17 kaso ng rape ang nakasampa laban sa suspek sa Caloocan at Bulacan, bukod pa sa mga kasong robbery with homicide, carnapping at illegal possession of firearms.

Watch more in iWantTFC

Nahanap si Biol matapos makakuha ng impormasyon ang Southern Police District na sa Pasay siya nagtatago, ayon kay Southern Police District director Senior Superintendent Eliseo Cruz.

Tiniyak naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na hindi na muli makatatakas ang suspek at pagbabayaran nito ang kaniyang mga kasalanan.

"I would like to assure the complainants, the victims, as well as the general public, na hindi na makakatakas pa ito," sabi ni Eleazar.

Kuwento ng isa sa mga biktimang si alyas "Jenny," hinalay siya ng suspek sa harap ng kaniyang mister at mga anak.

Nakatakdang ibalik si Biol sa Caloocan para doon harapin ang kaniyang mga kaso.

-- Ulat nina Fred Cipres at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.