Pagkabaon sa utang dahil kay 'Ompong', idinaing ng magsasaka sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 08:50 PM

Kasama ang panganay na anak, lumusong sa bukid ang magsasakang si Lito Mora para tingnan ang kalagayan ng mga tanim niyang palay.

Dismayado si Mora dahil nakadapa ang mga tanim at lubog pa rin sa baha dahil sa mga pag-ulan at hanging dala ng bagyong Ompong, na sa ngayon ay pinakamalakas na bagyong dumaan sa bansa nitong taon.

Ayon kay Mora, hindi pa talaga puwedeng anihin ang mga palay sa estado nito ngayon pero isusugal na lang niya kaysa lalong masira.

Sa pagtatantiya ni Mora, hanggang 30 kaban lang ang maaani niya sa isang ektaryang palayan.

Mababawasan pa raw ito ng pitong kaban dahil sa ibibigay niyang porsiyento sa nagmamay-ari ng lupa, tatlong kaban na bayad sa rerentahan nilang manggagapas habang dalawang kaban ay porsiyento sa patubig.

Dahil napinsala ng bagyo, naniniwala si Mora na babaratin ito ng mga trader.

Ayon sa kaniya, kulang pa ang kikitain niya rito bilang pambayad sa inutang niyang puhunan na P40,000 o kahit sa interes nitong 30 porsiyento.

Baka mapilitan na lang aniya siyang ibenta ang isa niyang alagang baka.

Dahil mas inuunang bayaran ang utang, hindi pa raw naipagagamot ni Mora ang kaniyang nasirang mata. Hindi na rin nakapagpatuloy sa pag-aaral ang kaniyang anak.

Tulong mula sa gobyerno ang panawagan ni Mora at ng iba pang magsasaka sa Isabela na naapektuhan ng Ompong.

Sa huling datos, higit P7 bilyong ang halaga ng pinsala ng Ompong sa sektor ng agrikultura sa Isabela.

Isinailalim na rin sa state of calamity ang Isabela para agad mailabas ang mga pondo para sa rehabilitasyon at mga nasalanta ng bagyo.

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.