Pag-asa, pagsuko habang tuloy ang Benguet rescue

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 12:29 AM

Watch more in iWantTFC

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga awtoridad na matagpuang buhay ang mga nawawala at natabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Ucab sa bayan ng Itogon, Benguet, kasabay ng pagpapatuloy ng rescue operations nitong Martes. 

Ayon kay Office of Civil Defense Deputy Administrator Nicanor Faeldon, may posibilidad pang buhay ang halos 50 na hinihinalang nabaon sa lupa bunsod ng mga pag-ulang dala ng bagyong Ompong.

“May chances na may air pa sa loob,” ani Faeldon.

Sa huling tala, umabot naman sa 17 ang mga bangkay na narekober.

Pero mayroon din namang sumuko na at nais na lang masilayan ang mga bangkay ng kanilang mga mahal sa buhay. 

Isa rito si Crisanta Sta. Ana, na lumuwas pa-Benguet mula Maynila para malaman ang sinapit ng kaniyang anak at ng mga apo nito. 

Aniya, hindi man makita nang buhay ang kaniyang anak, determinado pa rin siyang makuha ang katawan nito. 

“Kahit lasog-lasog na makita lang namin ang katawan nila. Hindi kami aalis hanggang di namin naiuuwi,” ani Sta. Ana. 

Sinukuan na rin ng rescuer na si Gideon Sedigey ang posibilidad na makita pang buhay ang kaniyang pinsan pero nagpatuloy pa rin sa pagtulong sa paghahanap.

Watch more in iWantTFC

Sa Barangay Loakan sa Itogon, pinaghahanap pa ang tatlong rescue volunteers habang natagpuan na ang bangkay ng 10 iba pa. 

Inilibing nitong Martes ang isang nakuhang rescuer. Isinabay na rin ang kalahating katawan ng lalaking natagpuan malapit sa Liang dam.

Isinisisi naman ni Itogon Mayor Victorio Palangdan ang nangyaring sakuna sa mga operasyon ng pagmimina sa kanilang lugar.

Watch more in iWantTFC

Pero sa kabila ng utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ihinto ang small-scale mining sa Benguet may ilang residenteng tumututol dito.

Matagal na kasing kilala bilang minahan ang isang bahagi ng Barangay Ucab. Nagsimula ring pumasok noon ang mga small-scale miners na nagbabakasakaling makakuha pa ng ginto sa minahan. 

Tumutol ang minerong si June Tagapong na tigilan ang pagmimina sa Ucab dahil dito lamang kumukuha ng hanapbuhay ang ilang mga residente.

Nitong Martes ay tuloy-tuloy pa rin ang pagde-deploy ng team mula sa command center sa pagpapatuloy ng retrieval operations at hindi pa tiyak kung kailan matatapos ang search operation.

--Ulat nina Angel Movido, Justine Aguilar, at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.