P3 bilyong halaga ng mga pekeng pabango, shampoo sinira ng Customs

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 10:43 PM

Sinira ng mga awtoridad ang nasa P3 bilyong halaga ng pekeng pabango, shampoo, sabon, lotion, at make-up sa Laguna, Miyerkoles. ABS-CBN News

Sinira ng Bureau of Customs ang nasa P3 bilyong halaga ng mga pekeng produkto sa San Pedro City, Laguna nitong Miyerkoles.

Ayon sa ahensiya, nasabat ang mga pekeng pabango, shampoo, sabon, lotion, at make-up sa isang operasyon noong 2017 sa Tondo, Maynila.

Hinala naman ng Customs, sa Pilipinas din ginagawa ang mga produkto.

"We cannot basically ano, this is imported articles kasi warehouse na siya. So may mga labelling machines siya na ginagamit so we presume na this is locally made," ani Jeremias Leaño ng auction and cargo disposal section ng Port of Manila.

Kasama rin ng Customs sa ginawang pagsira ng mga produkto ang mga legal counsel ng mga kumpanyang nagmamay-ari sa ginagayang mga produkto.

"Can you imagine, ganitong kadami, na mga pirated... na fake na product. Baka isipin ni original brand owner hindi magandang market ang Pilipinas," ani Atty. Timothy David. 

"But since pinapakita natin dito na the Bureau of Customs the government are protective ng businesses nila, they'll be much willing to market their products here."

Nagpaalala rin ang Customs sa publiko na huwag tangkilikin ang mga ganitong klase ng produkto para makaiwas na rin sa posibleng negatibong epekto nito sa katawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.