Mangingisda, sugatan matapos umanong barilin ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 05:56 AM

ZAMBOANGA CITY - Sugatan ang isang mangingisda matapos pagbabarilin sa loob ng isang internet shop sa Barangay Ayala, Zamboanga City Martes ng gabi.

Ayon kay Chief Insp. Chester Natividad, hepe ng Police Station 9, naglalaro ng online games si Basco Tolorio, 34-anyos, nang bigla itong pagbabarilin.

Nagtamo ng tama ng bala sa mukha at ulo ang biktima na agad isinugod sa ospital sakay ng isang police vehicle.

Kuwento ni Lolita Tolorio, ina ng biktima, nakilala ng kaniyang anak ang suspek.

Base sa impormasyong ibinigay ng biktima, isa umanong pulis na kapitbahay lang din nila ang siyang bumaril kay Basco.

Palaisipan sa pamilya Tolorio kung ano ang motibo sa pamamaril. Hindi kasi nagkaroon ng alitan ang 2 bago nangyari ang insidente.

Dagdag ni Natividad, iniimbestigahan na nila ang naging pahayag ng biktima.

Hinahanap na rin ng mga pulis ang kanilang kabaro para makapagbigay linaw sa naging alegasyon ng biktima.

Dalawang anggulo ang tinutukan ngayon ng mga pulis, personal na alitan at droga.

Pero ayon kay Natividad, mangangalap pa sila ng dagdag na ebidensiya at mga testigo bago masampahan ng kaso ang taong sangkot sa pamamaril.

Inaalam pa rin ng pulisya kung nasa drugs watch list si Basco at ang suspek na pulis. - ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.