Landslide sa Itogon di dapat isisi sa mining: MGB

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 09:12 PM

Watch more in iWantTFC

Kung tatanungin ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), hindi pagmimina kundi ang kondisyon ng lupa mismo ang dahilan ng landslide sa Itogon, Benguet sa kasagsagan ng bagyong Ompong noong weekend.

Pinalala pa umano ito sa dami ng ibinagsak na ulan ng bagyo na lagpas sa karaniwang dami ng ulan sa buong buwan ng Setyembre. 

"Iyong landslide na iyon it was not caused by mining kasi wala pong mining operation kung saan nanggaling ang debris materials... Very saturated talaga ang lupa," ani MGB Cordillera Director Faye Apil.

Gayunman, hindi isinasantabi ng DENR ang pagmimina bilang rason kung bakit may namatay sa landslide. 

“With or without the mining, magla-landslide diyan...Pero 'yung pagkamatay, hindi natin puwede sabihin na it’s not about mining dahil nandoon sila dahil sa mining,” giit ni DENR Undersecretary Benny Antiporda.
 
Kaya iimbestigahan ng ahensiya ang insidente, pati ang pagtukoy kung sino ang dapat managot lalo’t matagal nang ipinatitigil ng ahensiya ang ilegal na pagmimina.

"This will be further investigated and in fact I am sending already a team going there for coordination with the local government units that will be affected by the closure of the small-scale mining [operations]," ani DENR secretary Roy Cimatu.

Magpapadala umano ng pulis at sundalo sa lugar para ipatupad ang utos ni Cimatu na ipasara ang ilegal na mga maliliit na minahan.

Pupunta rin ang mga eksperto para alamin ang mga ligtas na lugar kung saan maaaring lumipat ang mga apektadong residente.

Hindi naman umano ito katanggap-tanggap sa mga taga-Ifugao na ikinabubuhay ang pagmimina.

"Dito kasi sa minahan, dito kami nabubuhay. Gusto namin dito," ani Valentino Tomog, taga-Ifugao.

Watch more in iWantTFC

Ika-4 na araw na ng paghuhukay sa mga natabunan ng landslide sa Barangay Ucab sa Itogon, Benguet at marami pa rin ang naitalang nawawala.

Ang bawat bangkay na nahuhukay, mabilis na naiaalis, susundan ng katahimikan at dalamhati ng mga kamag-anak.

Nasa state of decomposition na ang mga bangkay kaya naman nagpasya ang pulisya na sa ibang lugar na iproseso ang mga katawan. 

Puwede namang magpunta ang mga nawawalan ng kapamilya sa partikular na lugar para kilalanin kung kaanak nga nila ang na-recover mula sa landslide. 
    
Gayunpaman, maraming lupa na ang naialis sa lugar kung saan posibleng marami pa ang nakabaon. 

Sa pagtatapos ng ika-4 na araw ng search and rescue operations, maraming kaanak ang tanggap na ang kinahinatnan ng kanilang mga mahal sa buhay. 
    
Ang nais na lang nila ngayon, kung hindi na talaga maisasalba ay makuha na lang ang mga katawan. 

Ayon sa pinakahuling tala ng Philippine National Police (PNP) national operations center, pumalo na sa 81 ang patay sa pananalasa ni bagyong Ompong.

Mga nasawi sa bagyong Ompong:

  • Cordillera — 66
  • Cagayan Valley — 10
  • Central Luzon — 2
  • NCR — 2
  • Ilocos — 1

Nasa 71 naman ang sugatan habang 70 ang nawawala pa rin. 

Mahigit 3,000 pamilya o nasa 14,000 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation center sa buong bansa.
    
Ayon pa sa pulisya, nagpadala na sila ng 5,000 pulis para tumulong sa search and rescue operations.

Watch more in iWantTFC

Samantala, nilimitahan na ang pumapasok sa incident site para sa retrieval operations nitong Miyerkoles dahil maaari pa itong gumuho.

Nasa isang lugar ang mga pamilyang naghihintay na mahanap ang nawawalang kaanak.
    
Katabi lang nila ang booth kung saan nakalagak ang mga pagkain at pahingahan ng volunteers.

Dalawang portalets sa taas ng bundok ang nagsisilbing palikuran para sa higit 500 taong nasa site.

— Ulat nina Raphael Bosano, Justin Aguilar, at Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.