Lanao del Sur board member, nahulihan ng P3.4-M shabu

Roxanne Arevalo, ABSCBN News

Posted at Sep 19 2018 11:59 AM

Kuha ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

ILIGAN CITY, Lanao del Sur - Nakuha ng mga awtoridad mula sa bahay ng isang board member ng lalawigan sa Barangay Tubod ang kalahating kilo ng hinihinalang shabu na may halagang P3.4 milyon.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, nakita nila sa master's bedroom ni board member Hussein Magandia at ng misis nito ang umano'y ilegal na droga.

Nagsagawa ang mga operatiba ng paghahalughog sa bahay ng mag-asawang Magandia sa bisa ng search warrant matapos itong matukoy bilang isa umanong "drug den."

Dahil sa nasabat na droga, inaresto ng mga awtoridad ang mag-asawa pati ang isa nilang anak.

Samantala, nakuha naman sa parehong operasyon ang isang hindi lisensyadong baril sa manugang nilang si Marawi City Councilor Amalquailed Dimal.

Ayon sa PDEA, wala ang 2 opisyal sa listahan ng narco-politicians na inilabas ng pamahalaan pero 2009 pa lang umano nauugnay na si Magandia sa ilegal na droga.

Sa katunayan, na-dismiss na anila ang isang drug case nito sa Maynila. Nakaraang taon lang din nang maireport sa kanila si Magandia.

Nakita rin sa bahay ng mga Magandia ang karton karton ng relief goods ng DSWD na ayon sa awtoridad ay maaaring relief goods para sa mga bakwit sa Marawi.

Kuha ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Pinagalitan naman ni Iligan Mayor Celso Regencia ang mga nahuling opisyal lalo't sa lungsod pa niya nagkukuta ang mga ito.
Iniutos ni Regencia na alamin kung sino sino ang kasabwat nila.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga suspek. Haharapin nila ang kasong paglabag sa RA9165 at illegal possession of firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.