Fishball na gawa sa basura 'ilalako' sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 06:32 PM


Fishball na gawa sa dinikdik na basura at juice na mula sa maruming tubig dagat ang laman ng isang kakaibang fishball cart na roronda sa ilang coastal areas sa Negros Occidental simula sa Biyernes.

Layon ng "mobile museum" ng Philippine Reef and Rainforest Conservation Foundation (PRRCF) na magbigay kaalaman tungkol sa masamang epekto ng polusyon at pagdami ng basura sa mga karagatan.

Isinisimbolo ng mga pagkain na gawa sa basura na maaring makain ng tao ang mga maruruming bagay sa dagat kung makakain ito ng mga isda at iba pang lamang dagat na kinokonsumo ng publiko, sabi ni Kaila Ledesma-Trebol, vice president ng PRRCF.

"We want to make it fun, exciting and make them engaged to let them know more about our plastic problem," dagdag niya.

Plano rin ng grupo ni Ledesma na hikayatin ang mga nakatira malapit sa dalampasigan na bawasan ang kanilang paggamit ng plastic at pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagkaanod ng mga ito sa dagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.