2 babae patay matapos mabundol ng motorsiklo sa CamSur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 10:31 PM

SIPOCOT, Camarines Sur - Patay ang dalawang babae matapos mabundol ng motorsiklo sa highway sa bahagi ng Barangay North Villazar sa bayan ng Sipocot, Camarines Sur Martes ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Evelyn Abaquita, 52-anyos, at ang hipag niyang si Felicisima Aldaw, 72-anyos at isang retiradong guro.

Papunta sana ang mga biktima sa babang-luksa ng kanilang pinsan.

Kuwento ng kapatid ni Evelyn na si Arnel Abaquita, isang matulin na motorsiklo ang bumundol sa dalawa.

"Magkatabi silang naglalakad, uma-ambon eh. Magka-ano sila sa payong. Dito daw dumaan ang motorsiklo sa mismong gitna," aniya.

Sa ospital na binawian ng buhay si Evelyn habang si Aldaw naman ay dead on the spot.

Sinubukan pa umanong tumakas ng drayber ng motor na si Rommel Ferme, 21-anyos at isang construction worker, pero nahuli pa rin ito.

Ayon kay Ferme, pauwi na sana siya mula sa isang binyagan nang mangyari ang insidente. Aminado rin itong nakainom siya ng alak.

Dagdag pa ng mga pulis, hindi umano alam ni Ferme kung ano ang nangyari.

"Lasing na lasing po talaga yung driver. Aminado naman ang driver na talagang lasing na lasing siya kasi hindi niya nga alam kung paano nangyari," paliwanag ni SPO3 Andres Huerte.

Kinasuhan na si Ferme ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.