Sapilitang pag-inspeksyon ng mga awtoridad, labag sa Saligang Batas: Roque

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 02:58 PM

Iginiit ng isang mambabatas na ilegal ang pagsasagawa ng mga awtoridad ng biglaan o sapilitang inspeksyon sa mga pampublikong lugar.

Labag umano ito sa Bill of Rights na nakapaloob sa ating Saligang Batas, ayon kay Kabalikat ng Mamamayan (Kabayan) Party-list Rep. Harry Roque.

Magugunitang nagdaos kamakailan ang mga pulis ng Quezon City ng biglaang inspeksyon sa mga bar sa kahabaan ng Katipunan Avenue bilang bahagi ng "Oplan Bakal."

Ayon sa mga ulat at litratong kumalat sa social media, kinakapkapan at hinahalughog ang mga bag ng mga naroroon sa bar, na kadalasa'y mga estudyante sa mga malapit na kolehiyo at unibersidad.

Ayon kay Roque, hindi maaaring sapilitang siyasatin ang mga naroroon sa bar kahit pahintulutan ng may-ari o ng mga opisyal ng barangay.

"'Yung pagpasok (sa mga bar), 'yan ay lugar pampubliko sa puwede silang pumasok," paliwanag ni Roque.

"Ang ipinagbabawal ng Saligang Batas kung ikaw ay kakapkapan, pabubuksan ang bag para makita kung mayroong ipinagbabawal na droga o baril," aniya.

Maaari lang manghuli o mangumpiska ang isang alagad ng batas sa pagkakataong makita niya mismo ang krimeng nagaganap.

"Dapat mayroong plain view, nasa akto. Nakikita niyang may hawak na droga, natural puwedeng kunin, o mayroong baril, puwedeng kunin," ani Roque.

Hindi rin maaaring magsagawa ng inspeksyon o manghuli ang mga awtoridad batay sa mga tip o sumbong.

Ipinagbabawal umano ng Korte Suprema ang paghuli sa mga tao batay sa mga sumbong, kahit may mahanap mang ebidensya ang mga pulis.

"Kung ikaw ay nag-search, maski pa may makita kang droga, 'yung ebidensyang 'yan is inadmissible," ani Roque.

Dagdag pa ni Roque, hindi maaaring gamitin ang ebidensyang nakalap sa isang ilegal na pagsisiyasat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.