Pasaherong umayaw sa 'kontrata', minura, tinadyakan ng taxi driver

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 08:32 PM

MAYNILA - Mura at tadyak ang inabot ng isang pasaherong tumanggi sa nangongontratang taxi driver sa Balintawak, Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Nakunan pa sa video ng pasaherong si Thomas Pane ang bahagi ng insidente kung saan makikita na sinusugod at minumura siya ng driver ng puting taxi na may plakang AAM 3530.

Ayon kay Pane, galing silang Ilocos Norte at pauwi na sana sila ng 4 na turistang kanyang inilibot sa probinsiya nang mangyari ang insidente. Pagod na aniya sila at nagmamadali nang makauwi sa kaniya-kaniyang bahay.

Dahil wala pang nabu-book na Grab, naisip ni Pane na kunin na lamang ang taxi na nakaparada at nag-aabang ng pasahero sa tapat ng estasyon ng pulis sa may Camachile para magpahatid sa Malabon at makapagpahinga na rin. 

"In-approach ko si manong. Sabi ko 'Hulong Duhat, Malabon.' Ang feedback niya sa 'kin, 'magkano ang binabayad niyo doon?' Sabi ko, 'manong metro lang.' Sabi niya, 'hindi, P350 singil namin doon e.' Sabi ko 'sige, manong, salamat na lang,'" kuwento ni Pane sa ABS-CBN News.

Ang apat naman niyang kasama, nilapitan ng dispatser at nag-alok ng sakay sa isang pribadong sasakyan sa halagang P300, bagay na tinanggihan ng mga turista dahil iniisip din nila ang kanilang kaligtasan. 

Samantala, nakapara ng isa pang taxi si Pane na walang tanong-tanong ay pumayag agad na ihatid sila sa Malabon nang walang dagdag. 

Kaya bumalik aniya siya sa mga kasama at sinabihan ang nag-aalok na dispatser na may nakuha na silang sasakyan.

"Pagtalikod namin sa kanya, pinagmumura na ako nang maraming beses... 'P.I.' talaga, 'g**o' saka 'ta******o,' andami talaga. Pagtawid namin sa kabilang side lumapit na sa 'min 'yung taxi driver na may kasama ring dalawang barker... sabi niya, 'ang angas mo, pa-Grab-Grab ka pa taxi rin pala sasakyan mo!' Tapos minumura na niya ako," pagdedetalye ni Pane.

Hula ni Pane, narinig siya ng drayber na sinabihan ang mga kasama na magpatuloy mag-book ng Grab habang naghahanap siya ng masasakyang taxi. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit ganoon na lamang siya minura ng taxi driver.

Habang umiinit ang sitwasyon, naisip ng kasama niyang kunan ng video ang insidente, pero pinatay din nila agad ito dahil baka mahablot ang cellphone, lalo't hinahamon na siya ng suntukan ng drayber at dispatser na mistula umanong nakainom ng alak.

"Habang nilalagay ko 'yung bag nung 4 sa compartment, hinihila na nila (drayber, dispatser) ako, 'Dito ka muna!' Nung pasakay na 'ko sa taxi, pinagsisipa na 'ko ng taxi driver. Gusto ko na talagang pumatol. Nung papaalis na 'yung taxi, sinipa naman nila 'yung likod na bumper nung sasakyan saka 'yung gulong," aniya.

Matapos ang komosyon, nakaalis sila sa lugar at ligtas na nakauwi sa kanilang mga bahay. 

MABAGAL NA PAGTANGGAP NG REKLAMO SA LTFRB

Natatandaan ni Pane ang plaka ng taxi kaya kinabukasan aniya ay iniulat niya agad sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang insidente, pero nadismaya umano siya sa bagal ng proseso.

"Medyo dismayado ako sa reply nila. Sabi sa 'kin, 'Sir, punta ka dito sa LTFRB office, create ka ng 4 copies ng affidavit of complaint. Ipa-notarize niyo per page,' tapos 15 to 20 working days bago maproseso 'yung reklamo," aniya.

Kinumpirma ng ABS-CBN News ang proseso sa LTFRB Hotline. Sabi ng tauhan ng ahensiya na si Jack Padua, sa loob ng nabanggit na panahon ay hahanapin muna ng ahensiya ang inirereklamo at saka padadalahan ng "summons" gamit ang postal service. 

Samantala, nakarating na sa mga opisyal ng LTFRB ang insidente matapos mag-viral ang video na unang ipinost ni Pane sa Facebook. Nasabihan na si Pane na magkakaroon ng pagdinig sa Miyerkoles, Setyembre 27.