Mga pulis-Davao na pinili ni 'Bato', ililipat sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 03:03 PM | Updated as of Sep 20 2017 01:28 AM

Police Chief Ronald Bato Dela Rosa at the Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) 50th Grand Celebration held at the Philippine International Convention Center (PICC) in Manila on Tuesday. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Mga pulis mula sa tinubuang-bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipapalit ng Philippine National Police sa puwesto ng mga nasibak na pulis-Caloocan. 

Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, spokesperson ng PNP, mismong ang hepe ng pambansang pulisya ang pumili sa mga pulis-Davao na ilalagay sa Caloocan.

Paliwanag aniya ni PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa, gamay niya ang mga pulis na ito bilang dating hepe ng Davao City.

Sabi ni Carlos, naabisuhan na ang mga pulis-Davao tungkol sa kanilang paglipat at naghihintay na lang ang Kampo Crame ng mga kaukulang papeles. 

Una nang ipinag-utos ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagsibak sa buong puwersa ng Caloocan police matapos madawit sa mga pagpatay sa mga teenager. 

Una nang sinabi ni NCRPO Director Oscar Albayalde na sasailalim sa retraining ang mga nasibak na pulis.--Ulat mula kay Henry Atuelan, ABS-CBN News