Mga pulis-Davao, kumasa sa hamong magbawas ng timbang

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 10:05 PM | Updated as of Sep 19 2017 10:06 PM

Tinanggap ng mga pulis sa Davao region ang hamon na magbawas ng timbang sa loob ng anim na buwan upang magampanan nang mas mabuti ang kanilang mga tungkulin bukod sa pagkaroon ng healthy lifestyle.

Sumali ang mga pulis ng Police Regional Office 11 sa Davao City sa adbokasiya ng "Fit Filipino Nationwide Weight Loss Challenge" na layuning makapagbawas ng kabuuang one million pounds ang mga Pinoy sa loob ng anim na buwan.

Sabay-sabay na nag-ehersisyo ang daan-daang pulis sa Davao City. Bigay todo ang lahat sa workout na may simpleng jogging, arm workout, at boxing.
    
Nangako ang Philippine National Police (PNP) na magbabawas ang kanilang mga kawani ng kabuuang 500,000 pounds o 227,000 kilos na timbang.

Ayon kay PO1 Dayl Salces, mas mabuti nang fit ang mga pulis para may lakas sa paghabol ng mga kriminal.

Dagdag pa niya, kailangan din nilang magpapayat dahil una nang iniutos ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa na gawing 34 pulgada ang waistline ng mga pulis. 

Ayon pa sa mga lumahok na pulis, araw-araw na silang mag-eehersisyo para makiisa sa mas healthy at fit na Pilipinas.

-- Ulat ni Vina Araneta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.