Kilabot na 'mamamatay-tao' sa Caloocan, arestado

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 02:42 PM

 

MANILA - Nasakote Lunes ang suspek sa pagpatay ng 4 na tao sa magkakahiwalay na insidente sa Caloocan. 

Natimbog si Mark Montes, 21, sa buy-bust operation ng Northern Police District-Drug Enforcement Unit sa MacArthur Highway, Barangay Marulas sa Valenzuela City. 

Narekober kay Montes ang 5 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1,000 at isang cellphone.

May 4 na kaso ng murder na nakabinbin kay Montes sa Caloocan. 

Inamin ng suspek ang pagpatay sa mga biktimang aniya'y pinaghinalaan niyang asset ng mga pulis o kaya ay hindi nagre-remit ng bayad mula sa drogang kinuha sa kanya. 

Dagdag ni Montes, 4 na taon na siyang nagbebenta ng iligal na droga. 

Nahanap din sa cellphone ni Montes ang isang text message ng hinihinalang plano sana niyang pagpatay sa isang "Mia," na kanyang pinagsususpetyahan din bilang police asset. 

"Sabe ko nga sa mga tropa ko, kung sino ang may gamit. Papatayin ko lang din si Mia," nakasaad sa text message. 

Sasampahan si Montes ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.