'Hazing' ng UST student, iimbestigahan na rin ng NBI

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 11:34 AM | Updated as of Sep 19 2017 11:43 AM

MANILA - Inatasan ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na magimbestiga na rin ng fraternity hazing na ikinamatay umano ng University of Santo Tomas law student na si Horacio Castillo III.

Sa isang department order, inutusan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang NBI na magsagawa ng case build-up at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot sa pagkamatay ng 22-anyos na estudyante.

Dagdag ni Aguirre sa isang statement, walang puwang sa sibibilisadong komunidad ang anumang pagpatay at pananakit na bunga ng hazing.

"The loss of a life should never be the price that one should pay for brotherhood and acceptance. The persons responsible for this senseless death should be brought to justice," sabi ng kalihim.

Natagpuan ang labi ni Castillo sa Tondo, Maynila Linggo, isang araw matapos siyang magpaalam sa kanyang mga magulang na dadalo siya sa welcoming rites ng Aegis Juris fraternity.

Kabilang sa mga kilalang miyembro ng kapatiran ang Dean Nilo Divina ng UST Faculty of Civil Law.

Sinuspinde na ng UST Faculty of Civil Law ang mga opisyal at miyembro ng Aegis Juris habang iniimbestigahan ng unibersidad at pulisya ang kanilang hinihinalang kaugnayan sa pagkamatay ni Castilllo. Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.