21 pakete ng ’shabu’, nakuha sa 3 katao sa Benguet

Marianne Claire Reyes, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 08:52 AM

Nasa 21 pakete ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isang drug surrenderer at dalawang dayo sa La Trinidad sa Benguet, Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Rommel Lingas De Mesa, 40-anyos, tubong Mindoro; Jeef Santiago Baniqued, 28, ng Santiago, Isabela; at si Khristian Maddang Geston, 25, na dating surrenderer ng Barangay Pico.

Nahuli ang tatlo alas-6 ng gabi sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pico, La Trinidad.

Kasama si Geston sa mga mino-monitor ng mga pulis at Philippine Drug Enforcement Agency dahil tumigil siya sa pagdalo sa mga programa para sa mga drug surrenderer. Napag-alamang bumalik ulit siya sa pagbebenta ng iligal na droga.

"Nakapag-test buy po kami. Nilagay po namin sa crime lab, nagka-positive, kaya pangalawa gumamit ulit kami ng isang agent namin para makabili. Nung nakabili po siya sa isang suspek, sabi nung agent namin, meron pa ba kasi kulang ito? Ang sabi meron diya sa isang ka ano natin, kaya dun natin nakuha yung 15 sachet dun sa drug surrenderer natin,” sabi ni Inspector Benson Macli-ing.

Tinatayang aabot sa P20,000 ang market value ng nakumpiskang 21 sachet ng shabu. Hinala ng mga pulis, nanggagaling sa ibang lalawigan ang mga droga at inaakyat sa La Trinidad.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.

Nakakulong sila sa Benguet Provincial Jail at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.