Magkapatid na pulis sangkot sa panghoholdap sa Misamis

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2016 11:46 AM

MANILA - Itinuturong suspek ang dalawang pulis na magkapatid sa panghoholdap sa isang grocery store sa Poblacion, Misamis Oriental, Linggo ng hapon.

Napatay ang isa sa mga suspek habang nasugatan ang kanyang kapatid makaraan silang barilin ng hindi nakilalang suspek.

Nakilala ang mga suspek na sina PO1 Nerel Van at Whylder Lourd Tañajora.

Kwento ng empleyado ng tindahan na si Michael Mindalano, sumakay ang dalawang pulis sa motorsiklo matapos tangayin ang cash box ng grocery store.

Pero bigla na lang anyang tumumba ang mga suspek matapos tamaan ng bala.
 
Agad na namatay si Nerel Van habang nagtamo naman ng sugat sa likuran si Whylder Lou.

Ayon sa nakaligtas na suspek, wala siyang alam sa plano ng kapatid na pagnakawan ang tindahan, pero tinulungan niya si Nerel Van nang tutukan nito ng baril ang kahera.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya kung sino ang bumaril sa magkapatid mula sa ikalawang palapag ng tindahan.

Iginiit naman ng may-ari ng tindahan na walang ibang tao sa naturang lugar. Wala rin anya silang guwardiya at wala ring armas ang kanyang asawa.

Sinisilip ng pulisya ang anggulong mayroon pang isang kasamahan ang mga suspek na kumaliwa at bumaril sa kanila.

Nakadestino ang napatay na suspek sa Gingoog City police habang scout ranger trainee naman ng Regional Public Safety Battalion ang kanyang kapatid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.