12 pulis patay sa kampanya vs droga

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2016 03:31 PM

MANILA - Umakyat na sa 12 ang napatay habang 16 naman ang nasugatan sa hanay ng pulisya sa gitna ng kampanya kontra sa iligal na droga mula Hulyo 1. 

Sa mga naturang insidente, nanlaban ang mga drug suspect kaya nalagay sa alanganin ang buhay ng mga pulis, ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson, Superintendent Dionard Carlos. 

Sa tala ng PNP Directorate for Personnel and Records Management, pinakahuli sa mga napaslang sa operasyon si PO1 Romeo Mandapat, Jr. 

Binisita ni PNP chief Director Ronald dela Rosa ang burol ni Mandapat sa Camp Crame, Linggo ng gabi. 

Tiniyak naman ni Superintendent Arnel Esmana ng PNP Morale and Welfare Division na makakatanggap ng sapat na benepisyo ang pamilya ng mga napatay at nasugatan sa operasyon. 

Pagkakalooban ang mga naulilang pamilya ng P250,000 mula sa Presidential Social Fund (PSF), special financial assistance na katumbas ng anim na buwang sweldo, commutation of accumulated leave, pension benefits, Pag-ibig benefits at burial assistance na katumbas ng tatlong buwang sweldo.

Nagbibigay rin si dela Rosa ng tig-P100,000 cash assistance sa pamilya ng mga nasawi.

Makakakuha naman ang mga nasugatan ng P50,000 mula sa PSF, paid leave at reimbursement ng kanilang binaaran sa ospital. -- May ulat ni Henry Atuelan, DZMM