PatrolPH

Suspek arestado sa pamamaril umano sa babae sa Pasay

Karen De Guzman, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2023 10:47 AM

MAYNILA — Inaresto nitong Linggo ng gabi ang isa sa dalawang suspek sa pagbaril at pagpatay sa 41-anyos na babae sa San Juan Street, Barangay 8, Pasay City noong Setyembre 10.
 
Base sa imbestigasyon ng Pasay City police, binaril ang babae na si alyas "Erika" matapos hindi umano tumupad sa usapan na makipagtalik at pagnakawan pa umano ang isa sa mga suspek.

Sa isinagawang backtracking ng mga pulis, nakitang nagpa-gasolina ang riding-in-tandem bago mangyari ang krimen.

"Meron kasi sa 'min nakarating na impormasyon na merong isang tao na may mga kinukuwento siya na involvement niya dito sa isang shooting incident sa Pasay," ayon kay Police Colonel Froilan Uy, hepe ng Pasay City police.

"Itong Linggo, mga 9:45 [p.m.] ay nahuli natin 'yung isa sa mga pumatay. Dito natin nahuli sa Moonwalk Public Market sa Talon 4, Las Piñas," dagdag ni Uy.

Watch more News on iWantTFC

Tumutugma umano sa mga nakalap na CCTV footage na ang nahuling suspek ang nagmamaneho ng motorsiklo at pangalawang nagpaputok ng baril na ikinasawi ni Erika matapos pumalya ang baril ng angkas.

Pero itinanggi ng suspek ang mga paratang sa kanya.

"Hindi po ako. Alam ko lang po ‘yung plano nila. Pero hindi po ako kasama sa mga gumawa nun. ‘Yung tao na totoong may gawa nun ay kilala ko at kaibigan ko," depensa ng suspek.

Hindi kumbinsido ang mga pulis sa paliwanag ng suspek.

"Isa siya sa mga nagplano. Pero lumalabas parang hindi lamang siya nagplano, dahil parang alam na alam niya ‘yung buong istorya, ‘yung buong pangyayari," ani Uy.

Napag-alaman din na dati nang may kinakaharap na kaso ng carnapping ang suspek.

Mahaharap ito sa reklamong murder habang pinaghahanap pa ang angkas nito na sinasabing mastermind sa krimen.

IBA PANG ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.