PatrolPH

Parte ng kisame ng gusali sa QC, bumagsak sa naglalakad na ginang

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2023 05:36 PM

Watch more News on iWantTFC

Kuha ng CCTV mula sa Barangay Novaliches Proper

Sugatan ang isang 58-anyos na ginang matapos mabagsakan ng tipak ng semento mula sa kisame ng isang gusali sa Novaliches, Quezon City.

Kuwento ng biktimang si Aida Bajet, papunta sana siya sa canteen kung saan siya nagtitinda ng mga pagkain, alas-10 ng umaga nitong Linggo.

Kita sa CCTV ng Bgy. Novaliches Proper na naglalakad siya sa tapat ng isang convenience store nang mahulugan siya ng malaking tipak ng semento.

“Biglang bumagsak sa akin yung ano [semento]. Dami nga naglalakad na mga tao, sa akin mismo nabagsak. Akala ko talaga katapusan ko na kahapon,” naiiyak na sabi ni Bajet. 

Agad rumesponde ang mga taga-barangay at dinala sa ospital ang ginang. 

Nagtamo siya ng mga sugat sa ulo at kanang binti at kinailangang tahiin ang mga ito. May mga pasa rin siya sa katawan kaya pansamantala muna siyang hindi makakapagtrabaho.

Sinagot naman ng pamunuan ng convenience store ang pagpapagamot ni Bajet. 

Naglagay na rin sila ng harang sa tapat ng tindahan para hindi muna ito daanan ng mga tao, habang naalis na rin ang nagkalat na mga semento sa kalsada.

May kalumaan na ang dalawang palapag na gusali kung saan nakapuwesto ang nasabing convenience store.

Nakauwi na sa bahay ang biktima at doon magpapagaling kasama ang dalawang anak.

Sisilipin naman ng Quezon City Engineering Office ang nasabing gusali ngayong Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.