PatrolPH

Pagdinig sa nalalabing kaso ni De Lima, ipinagpaliban dahil sa hindi pagdalo ng testigo

Jeff Caparas, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2023 05:53 PM

Watch more News on iWantTFC

MUNTINLUPA — Kinansela nitong Lunes ang pagdinig sa nalalabing illegal drug case ni dating Senador Leila de Lima matapos na hindi personal na maipresinta sa korte ang dalawang testigo ng prosekusyon.

Ngayon araw nakatakda sanang magbigay ng testimonya at i-cross examine ng depensa sina Romeo Magleo at Jaime Pacho na nasa Pasugui Sub-Prison sa Sablayan Penal Colony sa Occidental Mindoro.

Ayon kay lead prosecutor Ramoncito Ocampo, personal pa silang nagpunta sa Sablayan noong nakaraang linggo, pero hindi rin nila umano alam ang dahilan bakit hindi nadala ng Maynila ang mga testigo.

“For reasons unknown to us, they were not brought by the custodians, by their custodians in court. And the defense insisted that they should be, they would like to confront the witness face to face during the trial, especially during the conduct of the cross examination. Their absence is beyond our control... We did our best,” ani Ocampo

Personal pa umano nilang nakausap ang deputy director ng piitan para ibigay ang subpoena na dapat ipresenta nang personal sina Magleo at Pacho.

Maging ang administrador ng Subpoena Section ng Bureau of Corrections, nakausap na rin umano nila.

Ikinadismaya umano ni De Lima ang delay na ito sa pagdinig ngunit naiintindihan naman umano ang proseso.

Ayon kay Atty. Filibon Tacardon, nakahanda ang depensa na i-cross examine ang mga testigo pero nais nila itong gawin nang personal para maobserbahan ang kanilang mga kilos habang tinatanong.

Pumayag na umano sana sila sa video conference kanina, pero ilang ulit umanong bumagsak ang signal ng mga ito at dalawang beses pang nag-log in. Kaya’t nagkasundo na lang ang dalawang panig na i-reset ang pagdinig.

“Kanina nga we almost agreed na to allow the video conference para lang di mag-cause ng delay but the problem naman is technical difficulty. So what the judge said, okay we will reset this but next time you have to present them face to face otherwise the court will order their testimonies as waived. So pumayag na kami doon despite the delays,” ani Tacardon. 

Hindi naman matanggap ng kampo ni de Lima ang dahilan ng prosekusyon kung bakit hindi nadala ang mga testigo.

“Kaya we stood on our position kasi we cannot accept yung reasoning ng panel na they tried their best and yet they were not able to produce the witnesses... It’s a matter of coordination lang naman eh they all belong to the same state, same side so dapat mayroon avenue o way to convince the warden of Sablayan to finally bring these witnesses to Metro Manila,” dagdag ni Tacrdon.

Umaasa naman ang kampo ni De Lima na mapayagan na siyang makapagpiyansa.

Nasa 19 pa ang mga natitirang testigo ng prosekusyon at nagkasundo na i-adopt na ang mga nauna nang nagbigay ng testimonya kaya’t nasa pito na lang ang ipriprisinta ng prosekusyon.

Kung hindi maipresinta nang personal sa susunod na pagdinig ang mga testigo, maaaring ma-contempt ang prosecution at Sablayan Prison Farm.

Nakatakdang gawin ang mga pagdinig sa Setyembre 25, Oktubre 16, Nobyembre 13, Nobyembre 20 at Disyembre 4.

Samantala, naiakyat na ng Office of the Solicitor General sa Court of Appeals ang kanilang writ of certiorari kaugnay ng huling acquittal ni de Lima sa kaso.

Hindi pa umano ito natatanggap ng depensa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.