PatrolPH

'Kapisanan ng mga Vloggers sa Pilipinas' iminungkahi

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2023 04:07 PM | Updated as of Sep 18 2023 05:08 PM

Sen. Raffy Tulfo, May 9, 2023. Mark Demayo, ABS-CBN News/File
Sen. Raffy Tulfo, May 9, 2023. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Napapanahon nang magkaroon ng isang opisyal na national organization para sa vloggers, iginiit ni Sen. Raffy Tulfo ngayong Lunes. 

Aniya, hindi kasi tulad ng mga traditional media na may "accountability" at "checks and balance", may ilang vloggers na basta lang nagpo-post sa social media nang walang pinagdadaanang proseso. 

"Marami ding independent vloggers na responsible... That's siguro it's about time — I don't know if this needs legislation — na magkaroon po ng 'Kapisanan ng mga Vloggers sa Pilipinas' or something to that effect na para magkakaroon ng policing, na para maging responsable na sila. Hindi iyong sa ngayon e may kanya-kanya sila," ani Tulfo. 

"Marami nga dyan na mga vloggers na sumusunod sa code of ethics, sa tamang pamamaraan para ilabas mo iyong istorya... Pero meron pa rin talaga dyan mga 'guerilla', na talagang 'pag umupak, upak lang without thinking of the consequences because walang nagre-regulate sa kanila," dagdag niya. 

Watch more News on iWantTFC

Courtesy: Senate of the Philippines/YouTube

Ginawa niya ang pahayag sa pagtalakay ng Senate Labor Committee sa panukalang Media Workers' Welfare Act. 

Ayon kay Tulfo na dating broadcast journalist, dapat nang itigil ang kontraktuwalisasyon para sa lahat ng mga nagtatrabaho sa media. 

"Never po ako naging regular. Ako po ay laging talent at accepted ko po iyon... Ang napapansin ko lang po talaga, iyon bang talent ka, dehado ka pagdating sa benefits. Pag nagkasakit ka, hindi mo alam kung saan mo kukunin iyong panggastos," sabi ng senador. 

"Any time pwede kang tanggalin kasi nga wala kang security of tenure dahil talent ka... It's about time alisin ang contractualization sa media," dagdag niya. 

Kailangan din aniyang bigyan ng media companies ang kanilang mga empleyado ng sapat na suporta kapag nasasangkot sila sa libel cases na aniya'y nagiging instrumento rin para sa harassment. Dapat din aniyang may seguridad ang mga taga-media kapag nakatatanggap ng death threat.

Ipinunto naman ni Labor Undersecretary Benjo Santos Benavides na may batas na para sa lahat ng mga may "employer-employee relationship", gaya ng mga contractual, probationary at regular workers. 

Mainam aniyang magkaroon ng bagong lehislasyon para masaklaw na pati ang mga "talent" sa media. 

"Sa media industry, meron po mga manggagawa na ang tawag sa kanila ay 'talent', hindi po empleyado. I think that is the beauty of the pending measure here kasi iyong mga pending bills po would like to cover them," paliwanag ng opisyal. 

"At present, wala po batas na nag-oobliga sa mga employer na mabigyan ng mandatory benefits iyong kanilang mga manggagawa na hindi maituturing na empleyado." 

Tugon ng mga kinatawan ng ilang media networks na dumalo sa pagdinig, pag-aaralan nila ang mga probisyon ng panukala, habang isinasaalang-alang ang kanilang financial capacity at organizational structure. 

Ipinunto naman ni Labor Committee Chairperson Sen. Jinggoy Estrada ang pagbibigay ng insurance para sa mga stuntmen, kung TV production naman ang pag-uusapan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.