PatrolPH

Higit 1,000 menor de edad hawak ng 'kulto' sa Surigao del Norte: Hontiveros

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2023 06:57 PM

Screenshot from the presentation of Sen. Risa Hontiveros.
Screenshot from the presentation of Sen. Risa Hontiveros.

MAYNILA — Nagpapasaklolo ang mahigit 1,000 menor de edad na biktima umano ng isang "kulto" sa Socorro, Surigao del Norte, ayon kay Sen. Risa Hontiveros ngayong Lunes.

Sa kanyang privilege speech, ibinunyag ni Hontiveros na ang naturang kulto ang siyang nasa likod ng rape, sexual violence, child abuse at forced marriage.

Kwento ng mambabatas, may isang people's organization sa munisipalidad na kilala raw sa pagsusulong ng bayanihan, hanggang sa "nag-iba ang hugis at anyo" noong 2017.

"Nagsimula ang kulto noong may isang 17 taong gulang na bata na grinoom para maging susunod na di umanong tagapagligtas...Siya raw ang bagong Hesus. Siya daw ang magliligtas sa kanila. Siya ay binigyan ng script, tinuruan paano tumindig at magsalita," aniya.

Nang makaranas ng lindol ang Surigao Del Norte noong February 2019, dito na umano nakakita ng pagkakataon si tinaguriang "Senior Agila."

"Sinabihan niya ang mga tao na sumama sa kanya sa bundok na ang tawag ay kapihan dahil iyon daw ang langit. At ang hindi sumama sa kanya ay masusunog sa impyerno. As a result of these statements, there was a mass exodus to the mountain by the thousands of members of the organization, now having all the indicators of a religious cult. At hindi lang po ito mga ordinaryong tao na di nakapag-aral," aniya.

Dagdag ni Hontiveros, nakapagtala ang LGU ng mass resignations ng DepEd teachers at government employees, matapos sabihin ni Senior Agila na "wala daw government employee ang pupunta sa langit."

Sa powerpoint presentation ng mambabatas, nagbigay ng kanilang testimonya ang ilang mga menor de edad na nakaranas umano ng pang-aabuso sa kulto, kabilang ang pagpilit sa kanilang makipagtalik. 

Meron pang menor de edad na nagkwentong armado ang mga nasa kulto.

Nanggagaling umano ang pera ng kulto sa pangongolekta ng nasa 50 percent ng natatanggap na 4Ps benefits at senior citizen pension, pati na mula sa iba pang social assistance ng mga miyembro.

"Pero mayroon din po kaming nakalap na impormasyon na ang totoo at mas malaking source of funding ng kulto na ito ay droga. In fact po, kung tama ang sources, ang motibasyon kung bakit tinayo ang kulto na ito ay para maging human shield dahil nailagay sa narco-list ang pasimuno ng organization," ani Hontiveros.

Pero rebelasyon ni Hontiveros, hindi lang limitado sa Surigao ang kulto kundi nakarating na sa Maynila at iba pang parte ng bansa.

Naging panauhin pa nga raw sa Senado si Senior Agila at nakapagpa-picture sa mga senador.

Sa kanilang impormasyon, may 8 bata nang nakatakas mula sa kulto nitong Hulyo, at nasa pangangalaga na ng LGU at DSWD. May binuo na ring task force ang alkalde ng Socorro para aksyunan ang kulto.

Nanawagan si Hontiveros sa mga kapwa mambabatas na tumulong din sa karagdagang aksyon para sa mga batang nasa panganib.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.