PatrolPH

17 estudyante sa Occidental Mindoro nahimatay dahil umano sa init

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2023 05:52 PM

MAYNILA — Magkakasunod na isinugod sa ospital ang 17 estudyante sa Sablayan, Occidental Mindoro matapos mahirapan huminga at mawalan ng malay.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, bandang alas-2 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag mula sa Yapang National High School kaya nagpatakbo agad sila ng 4 na ambulansya.

Noong una, paisa-isa umanong nahimatay ang mga estudyante hanggang sa magsunod-sunod nang nawalan ng malay ang mga ito kaya naalarma ang pamunuan ng eskwelahan.

Umabot sa 17 estudyante ang itinakbo sa San Sebastian District Hospital. 

Hinihinalang sanhi ito ng sobrang init ng panahon lalo’t nag-brownout sa eskwelahan.

Ayon kay Sablayan Mayor Walter “Bong” Marquez, hinihintay pa nila ang medical bulletin ng ospital para malaman ang dahilan ng nangyari sa mga estudyante.

“Titingnan natin kung ano talaga yung findings ng mga doctor. Malimit daw itong mangyari mga isa o dalawang bata pero itong pagkakataong ito ay biglang dumami. Sa istorya kanina eh parang naghawa-hawa yung mga nagbibigay ng assistance,“ sabi ng alkalde. 

Dahil sa insidente, sinuspinde kanina ang pasok sa nasabing eskwelahan at pinauwi kagaad ang iba pang mga estudyante.

Watch more News on iWantTFC


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.