PatrolPH

Tagaytay City muling pinupuntahan ng mga turista

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2020 06:47 PM

Nagsimula nang dumagsa ang mga turista sa Tagaytay City matapos isailalim sa mas maluwag na quarantine measures ang Cavite. 

Ayon sa lokal na pamahalaan, pumalo na sa 15,000 ang mga nagpupunta sa mga sikat na pasyalan doon. Pero malayo pa ito sa kabuuang 210,000 na bilang ng turistang pumupunta tuwing peak season. 

Kasama sa mga lumuwas ang isang grupo ng cyclist mula Taguig na umakyat pa-Tagaytay. 

Hindi tulad dati, wala nang checkpoint papasok sa tourism hub, na kilalang "quick get-away" para sa mga taga-Metro Manila dahil sa malamig na klima at magagandang pasyalan. 

"Noong quarantine po, puro bahay lang. Noong nag-open na po 'yung Tagaytay, nagkaroon na po kami ng opportunity na pumunta dito," ayon sa isa sa mga siklistang si Jordan Valles. 

Ang pamilyang Prado na mula Laguna, nakapag-family bonding at nakalibot sa mga pasyalan, tulad ng People’s Park. 

"Na-miss din po kasi namin 'yung lugar na malamig," paliwanag ni Prado. 

Doble ang naging dagok sa turismo ng Tagaytay City dahil sa pagputok ng Taal Volcano at lockdown dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Pero ngayong nasa modified general community quarantine na ang Tagaytay at payapa na ang Taal Volcano, unti-unti nang nakakabangon ang lungsod. 

Ang negosyanteng si Jannet Sebastian, masayang nabigyan ng oportunidad na makabangon kahit papaano sa kabila ng lockdown. 

"I-rate mo ng 10 to zero, talagang zero, wala talaga, as in wala," ani Sebastian nang tanungin kung ano ang naging sitwasyon ng kaniyang negosyo. 

Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, hindi na kailangan ng travel pass para makapasok sa Tagaytay City ngayong nasa MGCQ na ang lalawigan. Pero iginiit ni Joint Task Force COVID Shield Commander Guillermo Eleazar na kailangan ng travel pass kung papasok ang mga galing sa GCQ area sa mga MGCQ area gaya ng Tagaytay. 

Ang Cavite, pumapagitna sa Metro Manila at Batangas na parehong nasa ilalim ng GCQ. 

"Permitted na ang pagpasok even for tourism but kailangan na ang panggagalingan no'n is galing din sa MGCQ (area)," ani Eleazar. 

Pero paliwanag ni Tagaytay City Administrator Gregorio Monreal, kung haharangin man ang mga galing sa GCQ area, dapat ay sa checkpoint pa lang sa mga boundary ng Cavite ito ginagawa. 

"Between the boundary ng Metro Manila at saka ng Cavite, 'yun na dapat, doon siguro, nandoon na ang checkpoint natin so bago pa dumating ng Tagaytay ay marami pang dadaanang bayan," ani Monreal. 

Sabi naman ni Eleazar na nasa LGU pa rin ang desisyon kung papayagan ang pagpasok ng sino man pero may opsiyon pa rin sila na maghigpit at humingi ng tavel pass para makontrol ang mga pumapasok na tao. 

Umaasa naman ang Tagaytay LGU na tuloy-tuloy na ang pagbangon nila dahil higit P200 milyon ang nawala sa kita nila mula noong pumutok ang bulkang Taal.

— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.