MAYNILA — Tinatayang nasa 4,000 nurse na may kontrata na abroad ang napurnada ang pagkakataong kumita ng mas malaking sahod dahil sa 'pag-ipit' sa kanila ng pamahalaan ngayong may pandemya.
Isa sa mga nakatakda na noong magtrabaho abroad si Jordan Jugo.
Mayo nang mapirmahan ang kontrata niya sa United Kingdom kung saan 10 beses na mas malaki ang sahod na alok sa kanya.
Pero ang planong pag-alis napurnada dahil sa deployment suspension ng Pilipinas.
"Iyung gastos din namin 'yun 'yung talagang nakasakit sa amin, namuhunan kami kumbaga. Tapos with this deployment ban, hindi namin alam kung saan kami patutungo... Sa sahod po napakaliit po ng sahod namin lalong lalo na dito sa pribadong ospital. Hindi po niya kayang suportahan ang pangangailangan," aniya.
Ayon sa Philippine Association of Service Exporters o (PASEI), 4,000 nurse na mayroon nang kontrata sa mga bansa gaya ng Netherlands, US, Canada, UK, at Germany ang stranded dito sa Pilipinas dahil sa deployment suspension sa medical workers.
Sumulat na ang grupo sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para hilingin ang total lifting ng ban dahil sa idudulot na problema ng polisiya.
Una, mahabang panahon at pera na ang ipinuhunan ng mga nurse sa kanilang application. Marami na rin silang pinagdaanang training na maaaring mabalewala kapag patuloy na maantala ang kanilang pag-alis.
"Ang language training ng Germany takes 10 to 12 months so imagine-in natin ngayon itong mga nurses na 'to na nagtiyaga... Hindi na nila mapa-practice kasi... Nawawala na yung pinag-aralan mo," ani Raquel Espina-Bracero, presidente ng PASEI.
Gumastos na rin ang mga foreign employers sa mga Pinoy nurse.
Sa ngayon, tanging mga nurse lang na nakapirma ng kontrata hanggang Marso 8 ang pinapayagang makaalis.
Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello, aprubado na ng IATF ang rekomendasyon nilang payagan na ring umalis ang mga nurse na nakakuha ng kontrata hanggang Agosto 31 at hinihintay na lang ang pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ayon kay Bello, hindi niya kayang irekomenda ang total lifting ng deployment suspension dahil baka Pilipinas naman ang maperwisyo kapag maraming health workers ang umalis sa bansa.
"Kung tataas 'yung level of contamination and transmission ng COVID-19 sa atin, paano na lang kung 'yung ating magagaling na nurses, eh nandu'n na sa ibang bansa?" ani Bello.
Kaya si Jugo, mismong kay Duterte na nagmamakaawa.
"President Duterte nagmamakaawa kami sa inyo... Hayaan n'yong mabuhay 'yung pamilya namin... Nagmamakaawa kami pakinggan n'yo kami," ani Jugo.
Sinisiguro naman ng PASEI na hindi mauubusan ng nurse sa Pilipinas kahit na alisin pa ang deployment suspension.
Mahirap kasi ang application process na inaabot nang isang taon o mahigit kaya hanggang 12,000 nurse lang ang napapaalis nila kada taon.
May impormasyon din na nasa 200,000 nurse ang nasa bansa ngayon pero ayaw magtrabaho sa mga ospital dahil sa kakarampot na sahod.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV Patrol, TV Patrol TOP, UK, Germany, nurse, IATF, Bello, nurses iniipit sa Pilipinas, deployment suspension, OFW, overseas Filipino worker, labor, trabaho, employment, Pinoy nurse, Filipino nurse