Mga lumalabag sa distance protocols sa mga bus sinita ng HPG

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2020 01:11 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sinita ng Philippine National Police - Highway Patrol Group ang mga pasahero maging ang mga bus na lumalabag sa distancing protocols sa Quezon City. 

Kasabay ito ng pagbawi ng gobyerno sa bawas-distansiyang ipapatupad sa mga pampublikong sasakyan habang hinihintay ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol dito. 

Sa pag-iinspeksyon ng HPG sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, nakitang karamihan sa mga bus ay hindi estriktong ipinatutupad ang 1 metrong distansya sa pagitan ng mga pasahero.

“So sa nakikita natin na pagaakyat sa mga bus eh below 1 meter 'yung mga distansya kaya pinaalalahanan natin na ito 'yung tamang distansya,” ani HPG Director Eliseo Cruz. 

Pinagbigyan lang muna nila sa ngayon ang mga lumabag na bus pero ayon kay Cruz, maghihigpit na sila sa susunod. 

“Ngayon warning lang ang binibigay natin at pinapaalalahan natin ang mga driver at konduktor na ang distansya na isang metro ay talagang dapat ipatupad. Hindi ito dapat tinatantiya lamang,” ani Cruz. 

Naabala naman ang ilang pasahero na papasok ng kanilang trabaho habang ang mga driver at konduktor naguluhan sa paiba-iba umanong patakaran. 

Kaya panawagan nila sa mga awtoridad na linawin muna at magkaroon sana ng iisang patakaran. 

— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.