PatrolPH

Lalaking nagbebenta ng pekeng travel authority timbog sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2020 08:58 AM

MAYNILA - Arestado ang isang 25-anyos na driver sa Pasay City matapos ireklamo dahil sa pagbebenta ng pinekeng travel authority para sa mga bibiyahe sa probinsiya.
 
Nagsagawa ng entrapment operation laban sa suspek na si alyas Abner ang intelligence section ng Pasay City Police sa service road ng Roxas Boulevard Martes ng hapon.

Ayon kay Pasay City Police chief Col. Ericson Dilag, itinimbre sa pulis ang iligal umanong gawain ng suspek na taga-Antipolo at ibinigay sa kanila ang contact number nito.

Nagpanggap ang isang pulis na bibili ng travel authority papuntang Nueva Ecija sa halagang P4,500 para makipagkita sa suspek.

Nakumpiska kay Abner ang 5 blangkong medical certificate at isang travel authority na may pirma ng hepe ng Antipolo City Police na si Lt. Col. Jose Joey Arandia.

Pero tiniyak ni Arandia sa Pasay Police na peke nga ang dokumento.

Nahaharap si Abner sa kasong falsification and use of falsified documents.

Tumanggi siyang magbigay ng pahayag sa ABS-CBN News.

Hanggang simula ng Setyembre, naitala ng Joint Task Force COVID Shield ang halos 50 indibidwal na naaresto dahil sa paggawa ng pekeng travel authority, medical clearance certificate at maging ID card at pass ng Inter-Agency Task Force.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.