MAYNILA - Dahil unti-unti nang nag-uumpisang mag-decorate ang ilang residente para sa Pasko, until-unti na ring lumalakas ang bentahan ng mga parol, sa ilang tindahan sa Quezon City, ayon sa mga nagbebenta.
“Sa ngayon medyo okay na may mga namimili. This week lang. Pinakamabenta ung maliliit na parol kasi medyo nagadjust, nakaka-3 to 5 pieces na kami ng parol," ani Michelle Isidro, tindera ng parol.
Isa sa mga namili si Pong, na Setyembre pa lang ay nagkakabit na ng decoration.
"Kailangan natin to para rin makatulong sa kababayan nating Kapampangan," ani Pong.
Nagsimula na ring magkabit ng ilang residente ng mga Christmas decoration sa kanilang bahay o mga tindahan.
Mula sa non-stop na patutog ng mga christmas music, hanggang sa magarbong Santa Claus display, ramdam na ramdam na ang Christmas spirit sa bahay ng Pamilya Viray-Hachero sa Quezon City.
Ayon kay Anne Viray, karaniwan talaga ay Setyembre nila dinidisplay ang kanilang Christmas decors sa kanilang bahay.
Bukod pa kay Santa Claus na sentro ng atensyon sa kanilang sala, bida rin ang malaking Christmas tree na inayos at dinecorate ng mga bata sa pamilya.
Ang bahay naman ni Russel Soriano sa Laguna, agaw-pansin tuwing gabi dahil sa Christmas lights na nakasabit na sa harapan ng kanyang bahay.
Ani Soriano, bagaman may pandemya, ang paglalagay ng dekorasyon ay nakakatulong upang mapagaan ang kanilang pakiramdam.
Ang isang karinderya sa Barangay Paligsahan, agaw-pansin naman dahil sa Santa claus LED light display sa harapan ng kainan.
Ayon kay Judith Flores, may-ari ng karinderya, Agosto pa lang ay sinabit na nila ang mga christmas decorations, para kahit may pinagdadaanan ngayong may pandemya ay maramdaman nila ang positive vibes na dala ng holiday season.
"Kasi sa nararamdaman natin ngayon may pandemic, sabi namin ikabit namin para mabawasan lang nararamndaman namin. Naiiba ang emosyon natin kapag nakakakita ng Christmas lights," ani Flores.
Umaasa ang mga nagtitinda ng parol na lalo pang lalakas ang kanilang negosyo pagkatapos ng Undas.
-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Parol, Christmas, Quezon City, Parol stores, Parol sales COVID-19