Natalong kandidato sa pagkaalkalde timbog sa pamemeke umano ng titulo

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 06:48 PM | Updated as of Sep 18 2019 08:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Timbog ang isang dating kumandidato sa pagkaalkalde matapos umano niyang manloko at magbenta ng lupain gamit ang pinekeng titulo sa Valenzuela City.

Kinilala ang suspek na si Nora Hernandez, na kumandidato noon sa pagkaalkalde sa isang bayan sa Quezon. 

Ayon sa biktimang si alyas "Charles," nabayaran na niya si Hernandez ng P5.1 milyon para sa pagbili ng 3 ektaryang lupa sa Valenzuela City.

Nang maghinala, dumulog sa Registry of Deeds ang biktima at doon niya natuklasang peke ang titulong ibinigay ni Hernandez.

Lumapit si Charles sa National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Fraud Division nang manghingi pa ng dagdag na P3 milyon ang suspek. 

Doon na ikinasa ang entrapment operation laban sa umano'y scammer.

Depensa naman ng suspek, lehitimong negosyante siya pero inamin niyang mali ang lokasyong nakalagay sa titulo.

"Oo nagbebenta ako... Pero hindi totoo na peke 'yung titulo, mali lang ang location," aniya.

Sinusuri na ng NBI ang nadiskubreng 7 warrant of arrest laban kay Hernandez dahil sa kasong estafa.

Kulong si Hernandez sa kasong estafa at falsification of public records. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.