Higit 200 nakaw na cellphone nakumpiska sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 07:08 PM

Mahigit 200 nakaw na cellphone ang narekober ng mga awtoridad sa Maynila mula sa mga stall sa lungsod sa mga nakalipas na araw. 

Parte ito ng kampanya ng lokal na pamahalaan ng Maynila na pigilan ang pagbebenta ng mga nakaw na cellphone sa ilang establisimyento. 

Umabot naman sa 10 ang naaresto ng Mayor's Special Reaction Team na sangkot sa pagbebenta at pagbibili ng mga nakaw na cellphone. 

Nauwi sa tensiyon nitong Huwebes ang pagsalakay ng Mayor's Special Reaction Team sa gilid ng kalsada sa Carriedo dahil walang maipakitang resibo ang mga tindero mula sa nabebenta nilang mga cellphone.

May iilang tumanggi na nakaw ang binebenta nilang cellphone. Pero may iilang tindera na umamin na mangilan-ilan na rin ang nabebenta sa kanilang nakaw na gadget. 

Binalikan kalaunan ng Mayor's Special Reaction Team ang dalawang mall na unang nahulihan ng mga nakaw na cellphone, pero sarado ang mga sangkot umanong stall. 

Maaalalang nagbanta si Manila Mayor Isko Moreno na ipapasara niya ang mga establisimyento kapag may nahuli ritong nagbebenta umano ng mga nakaw na cellphone. 

"Kung ako may payo (ang sasabihin ko ay) tumigil na sila sa activities nila kung kaya nila. Kung hindi nila kaya, umalis na lang sila sa lungsod ng Maynila," ani Moreno. 

Maituturing ang pagbebenta ng nakaw na gadgets ng paglabag sa anti-fencing law, dagdag niya. 

Nagbanta rin ang alkade na tuluyang ipapasara ang mga establisimyento kung may makitang kahit isang nakaw na cellphone na ibinebenta roon. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.